‘Water jeepneys’ mula Cavite patungong Maynila at pabalik, inilunsad na; Libre sa mga pasahero ng isang buwan

Inilunsad ng Department of Transportation (DOTr) ang ‘water jeepneys’ na bibiyahe mula Cavite patungong Maynila at pabalik, Linggo ng umaga.

Pinangunahan ng DOTr ang paglulunsad ng “Mabilis, Maginhawa, at Panatag na Biyahe: #OkayKaFerryKo” katuwang ang buong maritime sector at pamahalaang lokal ng Cavite sa City Hall ng Cavite City.

Kasunod nito, inanunsiyo ni Transportation Secretary Arthur Tugade na libre nang isang buwan sa publiko ang pagsakay sa water jeepneys.

Ayon sa kagawaran, pumayag ang shipping companies na Seaborne Shipping Company Inc. at Shogun Ships Co. Inc. na magkaroon ng libreng-sakay sa mga pasahero kasabay ng pagsisimula ng operasyon nito.

Sinabi pa ng DOTr na ito ay pamaskong handog ng ahensya kasama ang Maritime Industry Authority (MARINA), Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Ports Authority (PPA) at lokal na pamahalaan ng Cavite.

Magsisimula ang libreng sakay sa Lunes, December 9, at matatapos hanggang sa January 9, 2020.

Layon ng Cavite-Manila Ferry Route na magkaroon ng alternatibong transportasyon ang mga residente sa Cavite.

Sa pamamagitan nito, maaari nang makapunta sa Maynila mula Cavite at pabalik ng 15 hanggang 20 minuto lamang.

Read more...