Ito ang inihayag ni Solicitor General Jose Calida kaugnay ng desisyon ng Arbitration Court sa Singapore na pagbayarin ang gobyerno ng Pilipinas ng bilyun-bilyong piso na danyos sa Manila Water at Maynilad dahil sa sinasabing procedural lapse.
Iginiit ni Calida na gagawin ng OSG ang lahat ng ligal na remedyo para protektahan at depensahan ang interest ng publiko.
Binigyang-diin ni Calida na void o walang bisa ang anumang probisyon sa isang kontrata na taliwas sa mga batas at polisiya.
Hindi anya maaring magtago ang Manila Water sa nilagdaan nitong 1997 concession agreements para takasan ang obligasyon nito sa publiko.
Nakasaad sa isa sa mga probisyon ng kontrata na hindi pwedeng panghimasukan ng pamahalaan ang pagtatakda ng singil sa tubig ng mga water distributors at pagbabayarin ang mga ito kung makikialam.
Mismong Korte Suprema anya ang nagsabi na ang mga korporasyon na nagkakaloob ng basic commodities gaya ng tubig ay dapat magpasailalim sa government regulation para hindi umabuso.
Sinabi ng Solgen na ipapakita nila sa kanilang mga susunod na hakbang na ang arbitral award sa Manila Water ay hindi dahil sa sinasabing procedural lapse kundi dahil sa pagtanggi ng kumpanya na magpasailalim sa lehitimong regulasyon ng gobyerno.
Kinastigo pa ng OSG ang Manila Water dahil sa pagpapalabas nito sa publiko na sila ay kahanga-hangang kumpanya.
Kung totoo anya ang sinasabi ng Manila Water na gumagasta sila ng bilyun-bilyong piso para sa mga imprastraktura nito ay bakit puro reklamo ang mga customers nito at bakit naranasan ng publiko nitong taon ang pinakamalalang krisis sa tubig.