Dalawang Koryano, inaresto ng BI sa Mindanao

Inaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang Koryano; isang pugante at isang overstaying alien, sa Mindanao.

Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, naaresto ng mga tauhan ng BI’s intelligence division sina Shin Jaewon, 36-anyos at isang pugante, at Park Kwang Soo, 53-anyos at isang overstaying alien, sa magkahiwalay na operasyon noong nakaraang linggo.

Nahuli si Shin, wanted sa kasong fraud, sa loob ng kaniyang hotel room sa Cagayan de Oro City noong November 27 habang si Park naman ay nahuli sa kaniyang bahay sa Davao City noong November 28.

Ani Morente, ipapa-deport ang dalawa sa Korea dahil sa paglabag sa Philippine immigration laws.

Mapapabilang din ang dalawa sa blacklist ng ahensya at hindi na muling papayagang makapasok ng bansa.

Ayon naman kay Fortunato Manahan Jr., hepe ng BI intelligence division, kabilang si Shin wanted list ng ahensya simula noong September 17 matapos makatakas sa kustodiya ng ahensya.

Sa ngayon, nakakulong na si Shin sa BI detention center sa Bicutan, Taguig habang inaayos ang clearances sa pagbiyahe nito pabalik ng Korea.

Samantala, ani Manahan, si Park ay naaresto matapos ipagbigay-alam sa ahensya ang kinaroroonan nito. Si Park ay ilegal nang nananatili sa bansa simula noong 2006.

Sinabi pa ni Manahan na nabigong magpakita ng pasaporte si Park at sa halip, nagprisinta ito ng pekeng Philippine postal ID nang hingan ng mga otoridad ng identification documents.

Read more...