Indonesia, nangakong huhulihin ang mga recruiter ni Mary Jane Veloso

 

Mula sa Inquirer.net/AFP

Nangako ang Indonesia na gagawin ang lahat upang maiharap sa batas ang mga sangkot sa pag-recruit sa Pilipinang si Mary Jane Veloso na nahaharap sa death penalty.

Ito’y makaraan ang paghaharap sa Yogyakarta, Indonesia nina chief prosecutor Tony Spontana, mga kinatawan ng Department of Foreign Affairs at mga abugado ng Pinay.

Ayon sa Kagawaran, nagkaisa ang dalawang panig na magtutulungan upang hanapin ang itinuturong mga utak sa paggamit kay Veloso at masampahan ang mga ito ng kaukulang reklamo.

Nangako rin anila ang Indonesian authorities na tutulong upang tuluyang maharap sa batas ang mga sangkot sa iligal na pagrerecruit sa Pinay.

Matatandaang noong 2010, naaresto sa paliparan sa Indonesia si Veloso matapos makuhanan ng 2.6 kilo ng heroin sa kanyang bagahe.

Giit Veloso, hindi niya alam na may laman na droga ang kanyang maleta na ibinigay lamang sa kanya ng kanyang recruiter at isa pang dayuhan.

Noong nakaraang taon, isasalang na sana sa death penalty si Veloso ngunit napigilan ito makaraang lumantad ang mga Pilipinong recruiter nito sa Pilipinas.

Hanggang sa kasalukuyan, nakakulong pa rin si Veloso sa Wirongunan Penitentiary sa Yogyakarta, Indonesia kung saan binisita ito kamakailan ng kanyang mga mahal sa buhay.

Read more...