Abogado ni Napoles, nasermunan sa Sandiganbayan

 

Kuha ni Noy Morcoso/Inquirer.net

Dahil sa pagrereklamo sa abalang dulot ng maagang pagdinig sa korte, pinagalitan ng mga mahistrado ng Sandiganbayan ang abogado ni pork barrel scam mastermind Janet Lim-Napoles na si Atty. Stephen David.

Ayon kasi kay David, napipilitang gumising ng alas-dos ng madaling araw ang kaniyang kliyenteng si Napoles para dumalo sa mga pagdinig na ginaganap tuwing Miyerkules at Huwebes ng alas-8:30 ng umaga hanggang tanghali, linggo-linggo.

Nakatikim tuloy siya ng sermon mula kay Associate Justice Samuel Martires ng Sandiganbayan Third Division, kasama nina Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang at Associate Justice Sarah Jane Fernandez, at sinabing hindi rin naman nila ikinatutuwa ang ganitong sitwasyon.

Ani Martires, dahil sa mga dinidinig nilang kaso mula umaga hanggang hapon, kinakailangan niyang matulog ng maaga para magising ng alas-4 ng madaling araw para gumayak.

Dahil rin aniya natutulog siya ng maaga, hindi na siya nakakapanood ng mga paborito niyang teleserye tulad ng ‘Pangako Sa’yo’ at ‘On The Wings Of Love’, kasi tanging ‘Ang Probinsyano’ na lang aniya ang naaabutan niya.

Nalalaktawan na rin ani Martires ang kaniyang arawang ehersisyo tuwing hapon dahil nasa 900 kaso ng graft and corruption ang dinidinig ng Sandiganbayan.

Bahagyang nagkaroon ng tawanan sa loob ng korte dahil sa mga sinabi ni Martires na pansamantalang nagpagaan sa sitwasyon sa loob ng korte habang dinidinig ang testimonya ng testigong si Marina Sula na dating empleyado ni Napoles, na siya ring nag-suplong sa kaniya.

Ngunit bago pa man tawagin si Sula para tumungo sa witness stand, sinermonan pa ni Tang si David matapos niyang akusahan ang korte na pinagdidiskitahan umano sila para mapabilis ang paglilitis.

Pinagsabihan din ni Tang si David na maging responsable sa mga inihahayag niya sa harap ng media, makaraan niyang utuligsain ang korte sa pag-oobliga sa kaniyang kliyente na dumalo sa mga pagdinig.

Pinaalala ni Tang sa kaniya na hindi naman umapela sina David at Napoles sa dalawang rulings na inilabas ng korte na nag-oobliga kay Napoles na dumalo sa paglilitis.

Ipinunto pa niya na mismong ang kampo ni Napoles ang nagsabi sa korte na mas makabubuting nandoon ang kanilang kliyente para matulungan ang kaniyang mga abogado sa pagtatanggol sa kaniya.

Dagdag pa ni Tang, may karapatan ang korte na ipatawag ang presensya ng akusado sa mga pagdinig.

Read more...