Duterte sa ABS-CBN franchise renewal: “I am sorry. I will see to it that you are out”

Nagbanta muli si Pangulong Rodrigo Duterte na haharangin ang franchise renewal ng media conglomerate ABS-CBN.

Sa talumpati sa harap ng bagong talagang mga opisyal sa Malacañang araw ng Martes, sinabi ng Pangulo na huwag nang umasa ang network na magkakaroon ng renewal ng kanilang prangkisa.

Sisiguruhin umano ni Duterte na wala na ang ABS-CBN sa susunod na taon.

“Ang inyong franchise mag-end next year. If you are expecting na ma-renew ‘yan, I’m sorry. You’re out. I will see to it that you’re out,” ani Duterte.

Hanggang sa March 30, 2020 na lamang ang validity ng kasalukuyang prangkisa ng network.

Makailang beses nang nagbanta ang pangulo na haharangin ang franchise renewal ng istasyon.

Ito ay dahil sa umano’y hindi pag-ere ng network ng kanyang political advertisements noong 2016 presidential elections.

Patuloy na nakabinbin ang mga panukalang batas sa Kamara na layong i-renew ang prangkisa ng ABS-CBN.

Pero ayon kay House Speaker Alan Peter Cayetano, maging siya ay may pagtutol sa franchise renewal.

Nangako naman si Cayetano na tatalakayin ng Mababang Kapulungan ang isyu bago matapos ang taon at magiging patas ang mga kongresista sa pagdinig.

Read more...