Awtomatikong kanselado ang mga palaro sa 30th Southeast Asian (SEA) Games sa mga lugar na idineklarang nakataas sa signal no. 2 dahil sa Bagyong Tisoy.
Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, ito ang napagkasunduaang cancellation protocol sa Cabinet meeting, Lunes ng gabi, ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos ilatag ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) director undersecretary Ricardo Jalad ang sitwasyon.
Suspendido rin ang lahat ng outdoor games sa mga lugar na pinagdarausan ng SEA Games na nasa ilalim ng Signal no. 1.
Samantala, tiniyak naman ni Jalad sa ginawang pulong ng mga miyembro ng Gabinete na naka-preposition na ang mga pagkain at non-food family packs gayundin ang mga gamot para sa mga inaasahang maaapektuhan ng pananalasa ng kalamidad.