Iisang kwalipikasyon ang hinahanap ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa pagiging Philippine National Police (PNP) chief.
Ayon sa pangulo, kapag mayroong isang pulis na magbibigay ng garantiya sa kaniya na papatayin ang lahat ng drug lord, ito na ang kaniyang itatalagang PNP chief.
Hindi kasi aniya sapat ang rekomendasyon lamang para italagang pinuno ng pambansang pulisya kapalit ni dating PNP chief Oscar Albayalde.
Ayon sa pangulo, mahal niya ang mga pulis pero sadyang mahirap pumili sa mga opisyal.
“Hirap ako sa pulis, mahal ko ‘yung mga pulis ko pero hirap ako sa mga opisyal. (Three contender, wala pa mapili, pwede ba outside of the three) I mean they’re all good, but I want a better deal. It’s not enough that you recommend to me. Kung sabihin ko, sir, ‘pag ako ang pinili mo, patay lahat ang drug lords, patay lahat ang.. Okay, ikaw. If you cannot give me that guarantee, ay huwag na,” pahayag ni Duterte.
Kabilang sa mga nasa shortlist sa pagka-PNP chief ay sina officer-in-charge Lt. General Archie Francisco Gamboa, Lt. General Camilo Pangatius Cascolan at Maj. General Guillermo Eleazar.