Walang aasahang “face-off” sa pagitan nina Manila Mayor Joseph Estrada at Dating Manila Mayor Alfredo Lim sa Kamara.
Ito ay para sa itinakdang pagdinig ng House Committee on Metro Manila Development kaugnay sa kontrobersiyal na Torre De Manila na tinaguriang “pambansang photobomber” at “dambuhalang pangit.”
Batay sa impormasyon mula sa opisina ni Cong. Winston Castelo, hindi raw makakadalo si Estrada sa pagdinig.
Sa halip, ipapadala lamang ni Estrada ang City Planning Official at City Engineer ng Lungsod ng Maynila.
Si Lim naman ay kumpirmadong haharap sa congressional probe, kasama ang kanyang mga abogado.
Pinadalhan din ng imbitasyon si Manila Vice Mayor Isko Moreno, ngunit wala pa raw abiso kung makakapunta siya o hindi sa Mababang Kapulungan.
Kabilang pa sa mga imbitado ay ang pamunuan ng DMCI, ang developer na nasa likod ng konstruksyon ng Torre De Manila, subalit base rin sa impormasyon ay abogado lamang ang haharap sa mga Kongresista.
Tiyak din na darating ang mga opisyal ng Knights of Rizal, National Commission for the Culture and the Arts at National Historical Commission.
Nauna nang sinabi ni Castelo na “in aid of legislation”, gustong malaman ng kanyang Komite ang mga paglabag sa pagkakatayo sa Torre De Manila, at kung ano ang mga posibleng solusyon sa eyesore na dulot ng Condominium./ Isa Avendaño-Umali