Mga residente sa paligid ng Bulkang Mayon at Bulkang Bulusan, pinag-iingat bunsod ng Bagyong #TisoyPH

Phivolcs Facebook photo

Pinag-iingat ng Phivolcs ang mga residente sa paligid ng Bulkang Mayon at Bulkang Bulusan.

Ayon sa ahensya, ito ay kasunod ng banta ng Bagyong “Tisoy.”

Nagbabala ang PAGASA na makararanas ng katamtaman hanggang malakas na buhos ng ulan at thunderstorms sa Bicol region simula sa Lunes (December 2) dahil sa nasabing bagyo.

Dahil dito, sinabi ng Phivolcs na dapat maging alerto sa mga komunidad sa pre-determined zones bunsod ng posibleng pagdaloy ng lahar sa dalawang bulkan.

Sa Bulusan Volcano, posible kasi anilang magkaroon ng excessive erosion ng pyroclastic deposits sa tuktok nito dahilan para magkaroon ng lahar sa mga ilog.

Ayon sa ahensya, maaaring maapektuhan ng lahar ang mga komunidad sa Malunoy (Patag), Mapaso, Cadac-an, Tinampo at Cogon Rivers sa Irosin at Añog-Rangas River sa Juban.

Inabisuhan ang publiko na iwasan muna ang four kilometer-radius Permanent Danger Zone dahil sa banta ng landslide, rockfall, lahar at phreatic eruption.

Samantala sa Bulkang Mayon naman, sinabi ng Phivolcs na maaaring magkaroon ng post-eruption lahars sa major channels nito.

Posibleng maapektuhan ng pyroclastic density current (PDC) material ang watershed areas sa Miisi, Mabinit, Buyuan at Basud channels.

Patuloy namang tinututukan ng Phivolcs ang kondisyon ng dalawang bulkan.

Read more...