30th SEA Games, pormal nang binuksan

Photo grab from 2019 South East Asian Games Philippines’ YouTube live video

Pormal nang binuksan ang 30th Southeast Asian (SEA) Games.

Nagsimula ang opening ceremony sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan bandang 7:00 ng gabi.

Pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pormal na deklarasyon ng pagbubukas ng torneo.

Sa umpisa ng programa, kinanta ni Asia’s Nightingale Lani Misalucha ang pambansang awit na “Lupang Hinirang.”

Tampok sa seremonya ang mga traditional Filipino dance handog ng Ramon Obusan Folkloric Group kasama ang iba pang estudyanteng performer sa iba’t ibang unibersidad kung saan ipinamalas ang kultura ng Pilipinas.

Matapos ito, isa-isa nang lumabas ang mga atleta at delegado ng 11 bansa na sasabak sa SEA Games.

Unang nagmartsa ang mga atleta mula sa Brunei. Personal itong nasaksiahan ni His Majesty Sultan Haji Hassanal Bolkiah kasama si Pangulong Duterte.

Sinundan naman ito ng Cambodia, Laos, Indonesia, Malaysia, Myanmar, Singapore, Thailand, Timor-Leste at Vietnam.

Panghuling nagmartsa ang mga atletang Filipino kasabay ng kantang “Manila” ng bandang Hotdog.

Nagsilbing muse ng Pilipinas si Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach.

Hindi napigilan ni Pangulong Duterte na mapaindak sa tugtog kasabay ng hiyawan ng mga manonood para suportahan ang mga atleta.

Nagbigay naman ng talumpati sina House Speaker at PHISGOC chairperson Alan Peter Cayetano at Philippine Olympic Committee President Abraham Tolentino sa seremonya.

Samantala, dinala ng walong Philippine sports legends ang South East Asian Games Federation flag.

Kabilang dito sina:
– Lydia De Vega-Mercado
– Akiko Thomson-Guevarra
– Eric Buhain
– Alvin Patrimonio
– Bong Coo
– Efren “Bata” Reyes
– Mansueto “Onyok” Velasco
– Rafael “Paeng” Nepomuceno

Kaliwa’t kanang performance pa ang inihandog ang ilang Filipino artists tulad nina Apl.de.ap mula sa Black Eyed Peas, KZ Tandingan, Elmo Magalona, Iñigo Pascual, Christian Bautista, Aicelle Santos-Zambrano, Jed Madela, TNT Boys, Anna Fegi at iba pa.

Pinangunahan naman ni Sen. Manny Pacquiao ang pagsisindi ng SEA Games cauldron na sinabayan pa ng magarbong fireworks display.

Read more...