“Nanatiling active sa anti-drug campaign si Col. Ferdinand Marcelino”-Santiago

File Photo
File Photo

Nanatiling aktibo bilang anti-drug operator ang dinakip na si Col. Ferdinand Marcelino matapos maaktuhan ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ng Philippine National Police-Anti Illegal Drugs Group (PNP-AIDG) sa isang shabu laboratory sa Maynila.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni dating PDEA Director General Dionisio Santiago, umaasa siyang patotohanan ng kung anomang sangay ng gobyerno na pinaglilingkuran ngayon ni Marcelino ang kaniyang operasyon.

Si Marcelino ay naglingkod noon sa PDEA sa panahong si Santiago ang director.

Kinumpirma din ni Santiago na naglingkod din si Marcelino sa anti-crime czar office na pinamumunuan ni Executive Secretary Jojo Ochoa.

Katunayan, may mga pagkakataon aniyang siya mismo ang nagbi-briefing kay Pangulong Aquino sa mga operasyon niya

Hindi lang tiyak ni Santiago kung hanggang sa ngayon ay naninilbihan pa kay Ochoa si Marcelino.
Kinumpirma din sa Radyo Inquirer ni Santiago na maraming anti-drugs operation si Marcelino na naging matagumpay pero hindi niya inako ang credit at sa halip ay ipinasa niya sa ibang ahensya gaya na lamang ng National Bureau of Investigation (NBI).

Kasama aniya dito ang pagkakadiskubre sa pinakamalaking shabu laboratory sa bansa na natuklasan sa Camiling, Tarlac kung saan aabot sa P3 bilyon halaga ng shabu ang nasabat at anim na Chinese Nationals ang naaresto.“Maraming operation na siya ang kumikilos, pero hindi siya pumapapel, yung Tarlac siya ‘yun. Sya ang nagbi-brieifing sa presidente ng mga operation niya eh, na-kay Sec. Ochoa siya e sa anti-crime,” paliwanag ni Santiago.

Payo ni Santiago kay Marcelino, ibulgar na lamang nito ang lahat ng may kinalaman sa kaniyang mga anti-drug operations kahit maari itong magresulta sa pagkabulilyaso ng iba pang major operations na nakalinya.

Sa ngayon sinabi ni Santiago na delikado ang buhay ni Marcelino lalo na kapag nagpasya siyang sabihin ang lahat ng kaniyang nalalaman. “Ang problema dito, pag dinisclose niya everything, malalaman ang ibang major operations na maraming nabulilyaso. Bulilyaso na ang operasyon na ‘yon kapag inopen niya to save his neck, ‘yan ang problema kay Mars kapag inopen niya iyan, physically endangered ang buhay niya. It’s very unfortunate, all odds against him, sinong aampon sa kaniya ngayon? Kawawa siya ngayon. His life is endangered, tumahimik siya bilanggo siya, mag-open siya papatayin siya,” sinabi ni Santiago.

Read more...