Naarestong si Col. Ferdinand Marcelino, wala sa ‘radar’ ng PDEA at PNP-AIDG – Cacdac

FB Photo
FB Photo

Isinailalim na sa proseso sa Philippine Drug Enforcement Agency si Col. Ferdinand Marcelino ng Armed Forces of the Philippines at dating ring opisyal ng ahensya.

Ito ay matapos na madatnan si Marcelino ng mga otoridad sa sinalakay na shabu laboratory sa Sta. Cruz Maynila.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni PDEA Director General Arturo Cacdac Jr., na wala talaga sa ‘radar’ nila si Marcelino kaya nagulat ang kanilang mga tauhan nang ito ay makita sa loob ng sinalakay na shabu laboratory sa Maynila kaninang umaga.

Wala rin si Marcelino sa ‘watchlist’, ‘order of battle’, at ‘radar’ ng Philippine National Police-Anti Illegal Drugs Group (PNP-AIDG) ayon sa source ng Radyo Inquirer mula sa PNP.

Sinabi ni Cacdac na naaktuhan si Marcelino habang nasa loob ng townhouse na hinihinalang pagawaan ng shabu kasama ang Chinese national na si Yan Yi Shou na dati namang interpreter ng PDEA. “Dapat ipaliwanag ni Col. Marcelino kung bakit nandoon siya sa target namin, Ang presence niya doon sa suspected shabu laboratory is already an issue,” ayon kay Cacdac.

Aminado naman si Cacdac na nakalulungkot ang pagkaka-arestado kay Marcelino, pero kinakailangan aniya nitong ipaliwanag kung bakit naroroon siya sa target area. “Ang alam ko po ay sa ISAFP siya e. Wala siya (Col. Marcelino) talaga sa radar, it’s at sad story,” dagdag pa ni Cacdac.

Si Marcelino ay dinala na sa PNP-AIDG sa Camp Crame kung saan itutuloy ang imbestigasyon laban sa kaniya.

Read more...