Ito ay matapos ipanawagan ng Samahang Weightlifting ng Pilipinas at ng isang labor group na gawin nang libre ang ticket sa ngalan ng pagkakaisa at lubos ding magamit ng bansa ang ‘homecourt advantage’.
Sa press briefing sa Malacañang Huwebes ng gabi, sinabi naman ng pangulo na hindi siya ang magdedesisyon sa mungkahi.
“I am not the deciding authority, I have to defer to the organizers,” ani Duterte.
Sinabi pa ng presidente na mismong siya ay una nang nagsabi na gawin nang libre ang ticket, gayunman umapela ang organizers para may ipanggatos umano sa palaro.
“Ever since, ayoko lang magyabang dito, ever since nililibre ko lahat, but dito sabi ng organizers, wala tayong panggastos ‘yung miscellaneous expenses maybe, or a little money to go by,” giit ng pangulo.
Pero kung siya lamang anya ang tatanungin ay nais niyang libre na ang ticket.
“Pero kung ako libre lahat. Una-una mag linya ang Pilipino dun,” dagdag ng pangulo.
Una na ring iminungkahi ng Malacañang na bigyan ng 50-percent discount ang mga estudyanteng manonood sa sporting events.
Ang ticket prices sa SEA Games ay pumapalo mula P1,000 hanggang P12,000 para sa opening ceremony at P50 hanggang P900 naman sa kada sporting event.