Sa press briefing sa Malacañang Huwebes ng gabi, sinabi ng pangulo na sakaling hindi mahanap ang karapat-dapat ay siya muna ang hahawak sa PNP.
“Unless I think that I see the very best guy there, you show me. Kayong mga pulis, tell me who is the best… Just give me an honest man, period,” ani Duterte.
Ayon sa pangulo, patuloy ang komprehensibong background check sa mga kandidato sa pagka-PNP chief.
Sakaling may kahit isang kaso lamang ng korapsyon ay tanggal na ang kandidato sa listahan.
Giit ni Duterte, kung puro tiwali ay mas pipiliin niya na lamang huwag magtalaga at personal na pamunuan ang pambansang pulisya.
“Even a single case of corruption, you’re out. I would rather not appoint for that matter… Ako na ang hahawak nun. I will be the one directing. Guidance and directions lang naman ako eh,” dagdag nito.
Magugunitang maagang bumaba sa pwesto si dating PNP chief Oscar Albayalde sa gitna ng mga akusasyon ng pagkakasangkot niya sa isyu ng drug recycling.