Pangulong Duterte magbibigay ng dagdag na insentibo sa mga Filipinong atleta na makasusungkit ng medalya sa SEA Games

Bukod sa insentibo na itinatakda sa batas, magbibigay ng karagdagang pabuya si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga Filipinong makasusungkit ng medalya sa ginaganap na 30th Southeast Asian Games sa bansa.

Ayon kay Senador Bong Go, ito ang kanilang napag-usapan niPangulong Duterte kahapon.

Gayunman, hindi pa matukoy ni Go kung magkano ang ibibigay na insentibo ng pangulo.

Pinag-aaralan din ng pangulo ang paggawad ng Order of Lapu-Lapu sa mga mananalong atleta.

Pang-engganyo aniya ito ni Pangulong Duterte at para maitaas pa ang morale ng mga atleta upang pag-igihan ang pakikipagtagisan ng galing sa kabila ng mga kontroberisya na bumalot sa SEA Games.

Sa ilalim ng Republic Act No. 10699, o National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act, makatatanggap ng P300,000 ang atletang makasusungkit ng gintong medalya sa SEA Games, P150,000 sa silver medalist at P60,000 sa bronze medalist.

Matatandaan na noong October lamang sa meet and greet with the President, binigyan ni Pangulong Duterte ng tig-isang milyong piso sina gold medalist Carlos Yulo, Ernest Obiena (pole vault), at Nesthy Petecio (boxing) habang ang silver medalist na si Eumir Marcial (boxing) at bronze medalist Diaz (weightlifting) ay nakatanggap ng tig-P500,000.

Read more...