Mapaghimalang imahen ng Our Mother of Perpetual Help naibalik na sa altar ng Baclaran Church

Matapos ang halos tatlong buwang renovation, nailuklok na muli sa altar ng Baclaran Church ang mapaghimalang imahen ng Our Mother of Perpetual Help.

Kahapon, Miyerkules, ‘Baclaran Day’, libu-libong deboto ang tumungo sa simbahan para saksihan ang pagbabalik ng imahen sa kinalalagyan nito.

Naganap ang pagluluklok matapos ang isang Banal na Misa.

September 5 nang ibaba ang icon ng Our Mother of Perpetual Help at makailang beses na nabigyang pagkakataon ang publiko na pagpitaganan ito.

Para kay National Shrine of Our Mother of Perpetual Help Rector Fr. Victorino Cueto, C.Ss.R, ‘symbolic’ ang pagbababa sa imahen.

Nagbigay-daan anya ito para mapalapit pa ang mga deboto sa Mahal na Ina ng Laging Saklolo.

“It allowed Our Mother to come down from the high altar and be closer to all her devotee-missionaries,” ani Cueto.

Ito pa lang ang ikatlong beses na inalis sa altar ng simbahan ang imahen.

Una ay noong World War II kung saan kinailangan itong itago, at ikalawa ay noong 1992 nang isinailalim ito sa restoration.

Ang Baclaran Church ay naging sentro ng Marian devotion sa bansa sa nakalipas na 70 taon.

Read more...