Tropical Storm ‘Kammuri’ lumakas pa; papasok ng bansa sa weekend

Lumakas pa ang Tropical Storm ‘Kammuri’ habang nasa karagatan sa Timog ng Guam.

Ayon sa 4am weather update ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 1,950 kilometro Silangan ng Visayas.

Taglay na nito ang lakas ng hanging aabot sa 85 km kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 105 km kada oras.

Kumikilos ito pa-Kanluran sa bilis na 35 km bawat oras.

Inaasahang lalapit sa boundary ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo sa Sabado ng umaga.

Pangangalanan itong Bagyong ‘Tisoy’ pagpasok ng bansa.

Samantala, intertropical convergence zone (ITCZ) at northeast monsoon o Amihan ang weather systems na nakakaapekto ngayon sa bansa.

Dahil sa ITCZ, makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa Visayas, CARAGA, Northern Mindanao, Davao Region at Palawan.

Maulap na kalangitan na may mahihinang pag-ulan naman ang mararanasan sa Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Bicol Region, at mga lalawigan ng Aurora at Quezon.

Sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa, maalinsangang panahon pa rin ang mararanasan na may posibilidad ng mga panandaliang buhos ng ulan dulot ng localized thunderstorms.

Nakataas ngayon ang gale warning at ipinagbabawal ang paglalayag sa mga baybaying-dagat ng Batanes, Cagayan kasama ang Babuyan Islands, Isabela, Ilocos Sur, Ilocos Norte, La Union at Aurora.

Read more...