Sa press briefing sa Busan, South Korea araw ng Martes, sinabi ni Presidential Spokersperson Salvador Panelo na hindi na natutuwa ang pangulo sa mga naririnig tungkol sa palaro.
Giit ni Panelo, hindi uubra sa pangulo ang korapsyon.
“He’s displeased. Ayaw nya ‘yon . There were allegations of fraud na lumalabas sa dyaryo, ayaw niya rin ‘yon. He wants to investigate that. Hindi uubra sa kanya ang corruption,” ani Panelo.
Magkakaroon lamang anya ng problema kung voluntary basis ang mga naitalang problema.
Pero kung ang mga nasa likod nito ay nasa gobyerno, sinabi ni Panelo na ‘incompetence’ ito at kasama rito ang korapsyon.
“Ang problema yung mga involved d’yan sa mga nangyaring mga delays na ‘yan baka on a voluntary basis… wala tayong magagawa doon kasi voluntary. Pero kung ang involved d’yan mga nasa gobyerno, eh that’s incompetence, ‘pag incompetence, kasama d’yan ang corruption,” ani Panelo.
Kinumpirma na rin ng kalihim na kasama sa imbestigasyon si Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) chairman at House Speaker Alan Peter Cayetano.
“Siguro kasama na lahat ‘yon kasi when you investigate a particular body kasama na lahat ‘yung kung sino involved doon,” giit ni Panelo.
Maging ang kontrobersyal na P50 milyong ‘cauldron’ o kaldero ay kasama sa bubusisin.
“Any allegation of corruption with respect to that, lahat ng alegasyon papaimbestigahan ni President. Basta may corruption, yun ang galit si Presidente ‘pag corruption. ‘Yan ang ayaw niya”, dagdag ng kalihim.
Mensahe ni Panelo sa PHISGOC, siguraduhin ang maayos na hosting ng bansa sa SEA Games at huwag nang ulitin ang mga kapalpakan.
“These things could have been properly done, organized, and that could have been avoided. Eh, bakit… parang yung problemang ‘yan, maliit na bagay, hindi ko maintindihan bakit nangyayari ‘yon.
Since alam na nila kung ano nangyari doon sa… nagkaroon na ng snafu, bulilyaso, siguro alam na nila kung ano ang gagawin nila. Hindi na mauulit ‘yon,” ani Panelo.
Hinikayat din ni Panelo ang PHISGOC na tumanggap na ng tulong mula sa iba pang ahensya ng gobyerno.