Nakabalik na ng Pilipinas si Pangulong Rodrigo Duterte matapos dumalo sa Association of Southeast Asian Nations-Republic of Korea (ASEAN-ROK) Commemorative Summit sa South Korea.
Ayon sa Palasyo ng Malacañang, lumapag sa Villamor Airbase sa Pasay ang sinasakyang eroplano ng presidente alas-6:17 ng Martes ng gabi.
Dalawang araw ang inilagi ni Pangulong Duterte sa South Korea kung saan nakapulong nito ang kapwa ASEAN leaders at si President Moon Jae-in.
Sa summit, kinilala ni Duterte ang pagpapalalim ng South Korea sa relasyon nito sa ASEAN at sa suporta para palakasin ang kalakalan at pamumuhunan, connectivity, edukasyon, smart city development at iba pa.
Nagkaroon din ng bilateral meeting sina Duterte at Moon kung saan ipinangako ng dalawa ang mas malawak na kooperasyon para sa kapwa pag-unlad ng Pilipinas at South Korea.
Pinasalamatan din ng pangulo ang South Korea sa tulong sa mga biktima ng lindol sa Mindanao at inanyayahan si Moon na pumunta sa bansa sa 2020.
Kapwa sinaksihan ng dalawang lider ang paglagda sa limang kasunduan ukol sa edukasyon, social security, fisheries, turismo at kalakalan.
Samantala, kahit kagagaling lang sa South Korea, agad na nag-motor ang pangulo sa Bahay ng Pagbabago sa Malacañang complex.
Sa mga larawang ibinahagi ni Sen. Bong Go, kasama ni Duterte na sumakay ng motor ang kanyang anak na si Davao City Rep. Paolo Duterte.