Ayon kay House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda, dapat ipaliwanag ng BIR kung bakit sa kabila ng TRAIN Law ay hindi nito maabot ang target collection na P2.2 trilyon.
Kulang aniya ito ng P104 bilyon.
Sinabi ni Salceda na hanggang October 2019 ay P1.7 trilyon lamang ang nakokolekta ng ahensya.
Paliwanag ng mambabatas na kahit mas mataas ang nasabing halaga sa koleksyon nito noong taong 2018 sa kaparehong panahon ay kapos pa rin ito sa target na ibinigay ng Developmental Budget Coordinating Committee.
Isinisi aniya ng BIR ang pagbaba ng koleksyon sa late na pagpasa ng 2019 budget at ang pag-import ng mga kumpanya ng langis ng petroleum products.
Nawala aniya sa BIR ang P55 bilyong koleksyon ng fuel excise tax.
Dahil dito, ang Bureau of Customs (BOC) na aniya ang kumokolekta ng nasabing halaga para sa VAT at excise tax.
Gayunman, duda si Salceda kung makokolekta ito nang tama dahil sa pagiging prone sa smuggling ang oil products.