Ayon kay Gatchalian, mapapakinabangan ng husto ang istraktura kapag naging batas ang isinusulong niyang Senate Bill 1086 na magiging daan para sa pagkakaroon ng Philippine High School for Sports.
Aniya sa naturang eskuwelahan, na maaring itayo sa New Clark City, huhubugin ang mga batang atletang Filipino sa pamamagitan ng physical education at sports development subjects.
Sinabi ni Gatchalian nakasaad sa panukala ang pagkakaroon ng world class sports facilities sa New Clark City at ang Bases Conversion and Development Authority o BCDA ang magbibigay ng lupa at magtatayo ng mga classrooms, dormitoryo at iba pang mga pasilidad.
Naniniwala ang senador na malaking tulong para sa mga atletang Filipino ang New Clark City sa kanilang pagsasanay para sa international sporting events kasama na ang Tokyo Olympics sa susunod na taon.