DOJ hiniling na maibalik na ng kulungan si dating Maguindanao Gov. Zaldy Ampatuan

AFP Photo
Naghain ng mosyon sa Quezon City Regional Trial Court Branch 221 ang panig ng prosekusyon na para hilingin na maibalik sa detention facility ng camp Bagong Diwa sa Taguig City si dating ARMM Gov. Zaldy Ampatuan, isa sa mga pangunahing akusado sa Maguindanao massacre case.

Sa dalawang pahinang urgent motion ng panel of public prosecutors, iginiit ng mga ito na magpalabas na ng kautusan ang hukuman para ibalik si Ampatuan sa detention facility ng QC Jail annex.

Paliwanag ng prosekusyon, hindi nila isinasantabi ang medical condition ng akusado, subalit nais lamang nilang matiyak na hindi makakatakas sa kaso ang akusado lalo pa at nalalapit na ang paglalabas ng hatol ng korte.

Para sa panig ng prosekusyon, wala na silang nakikitang dahilan para manatiling naka-confine pa sa Makati Medical Center ang dating gobernador dahil sumasailalim na lang siya sa physical at occupational therapy na maaari naman gawin sa detention facility sa Taguig.

Giit pa ng prosekusyon, kung kinakailangan pa din manatili sa nasabing ospital si Ampatuan, dapat ay magdagdag ng security personnel para matiyak na hindi ito basta makakalabas ng pagamutan.

Nauna ng inimpormahan ang korte na isinugod si Ampatuan sa Taguig-Pateros district hospital nung October 21, 2019, bago ito nalipat sa cardiovascular intensive care unit ng Makati Medical Center.

Read more...