DOJ Sec. Guevarra, isinantabi muna ang nominasyon niya bilang susunod na mahistrado ng SC

Walang balak si Justice Secretary Menardo Guevarra na tanggapin ang naging nominasyon sa kaniya ni Justice Raoul Victorino bilang associate justice ng Korte Suprema.

Sa ambush interview sa kalihim, aminado ito na ikinonsidera talaga niya na mag-apply bilang isa sa mga mahistrado ng SC bilang isa sa kaniyang mga legal option sa kaniyang career.

Pero sa halip na mapunta sa SC, dinala siya ng kapalaran sa DOJ bilang kalihim.

Paliwanag ng kalihim, marami pa kasi siyang kinakailangang gawin sa DOJ at sa mga ahensiyang konektado dito gaya ng Bureau of Corrections (BuCor), National Bureau of Investigation (NBI) at Bureau of Immigration (BI).

Nilinaw ng kalihim na hindi niya tuluyang isinasara ang kaniyang puso na balang-araw ay nanaisin din niyang matalaga sa Korte Suprema bilang Associate Justice sa tamang panahon.

Nagpasalamat naman ang kalihim kay Justice Victoriano sa kaniyang nominasyon.

November 25 na kasi ang deadline ng pagsusumite ng requirements sa Judicial and Bar Council o JBC para sa mga nagnanais maging associate justice ng SC.

Sinumang mapipili sa mga aplikante ng JBC na isusumite sa tanggapan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang papalit sa binakanteng Associate Justice post ng ngayo’y Chief Justice Diosdado Peralta.

Read more...