Walang balak ang Palasyo ng Malacañang na panagutin ang organizers ng 2019 Southeast Asian Games (SEAG) sa kabila ng mga problemang naranasan ng mga atleta.
Sa press briefing sa Busan, South Korea, Linggo ng gabi, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na humingi na ng paumanhin ang Philippine Sea Games Organizing Committee (PHISGOC) sa pagkabalam sa transportasyon at accommodation ng foreign athletes.
Hindi rin anya sinasadya ang mga ganitong bagay at natural lamang itong nangyayari sa dami ng atletang paparating sa bansa.
Ayon kay Panelo, hindi na dapat papanagutin ang organizers dahil gumagawa na ang mga ito ng paraan.
“Ok na ‘yun. Palagay ko gagawan na nila ng paraan,” ani Panelo.
Giit ng kalihim, baka nagkulang lamang sa creativity ang PHISGOC at hindi rin naman anya malala ang mga naging problema.
“Creativity lang ‘yun, dun siguro sila nagkulang pero baka nataranta lang… ‘Yun naman hindi naman gaano ka-grabe ‘yun eh,” dagdag ni Panelo.
Una nang nagreklamo ang football players ng Myanmar, Timor-Leste at Thailand dahil sa delayed transportation at problema sa kanilang hotel accomodations.
Viral naman sa social media ang mga larawan kung saan makikita ang football team ng Cambodia na sa sahig lamang natutulog.
Depensa ni Panelo, komportable pa rin naman ang mga atleta sa kanilang kinalalagyan.
“I noticed also in the photos that I saw, nakahiga at nakaupo lang sila, parang nagre-rest lang naman sila… pero hindi naman sa labas ng ano, meron pa ring roof, and comfortable seats and airconditioned,” ani Panelo.