Tumaas ang bilang ng mga Pinoy na walang trabaho para sa ikatlong kwarter ng 2019.
Sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations, tumaas ang mga unemployed na Filipino sa 21.5 porsyento kumpara sa 20.7 porsyento noong Hunyo at 19.7 posyento noong Marso.
Ibig-sabihin, humigit kumulang sa 10 milyong Fililino ang walang trabaho.
Sa nasabing bilang, 4.4 milyon ang boluntaryong umalis sa kanilang trabaho at 1.6 milyon naman ang first-time sa paghahanap ng trabaho.
Ilan pang mga dahilan ng kawalan ng trabaho ng mga respondent ang hindi pagre-renew ng kontrata, pagsasara ng pinagtatrabahuhan at natanggal sa trabaho.
Samantala, parehang tumaas ang unemployment sa Metro Manila, Luzon, at Mindanao habang bumaba naman ang unemployment sa Visayas.
Nakita rin sa survey na mas mataas ang unemployment sa mga kababaihan na mayroong 31.4 porsyento kumpara sa mga kalalakihan sa 14.6 porsyento.
Isinagawa ang survey sa pamamagitan ng face-to-face interview sa 1,800 adults na may edad 18 pataas sa buong bansa noong ika-27 hanggang ika-30 ng Setyembre.