Ayon sa driver ng ROV Trans (AVA, 5127) na may biyaheng Baclaran-Navotas na si Marlon delos Santos, 34 anyos, sumakay sa bahagi ng Ayala sa Lungsod ng Makati ang mga suspek.
Pero pagsapit aniya ng Kamuning flyover sa tapat ng Nepa Q-mart ay nagdeklara ng holdap ang mga suspek sabay tutok ng baril sa kanya.
Ayon kay delos Santos, P5,000 kita nila ang natangay ng mga holdaper.
“Lagi kasi kaming mini-meeting ng may-ari ng bus na isang retired na pulis. Ang sabi niya sa amin, ihiwa-hiwalay ang kita namin para pagna-holdap, hindi matatangay ang lahat ng pera,” pahayag ni delos Santos sa panayam ng Radyo
Inquirer.
Idinagdag ni delos Santos na karamihan sa kanyang mga pasahero ay pawang mga call center agents at galing ng Ayala sa Makati.
“Nagpaputok ang isa sa mga holdaper sabay sigaw na “yuko.” HIndi ako pwedeng yumuko kasi ang nagda-drive,” dagdag ni delos Santos.
Dagdag pa ni delos Santos, kahit na malapit sa Kamuning Police Station ang pangho-holdap, maaring hindi narinig ng mga pulis ang putok ng baril dahil airconditioned ang bus.
Ayon naman sa konduktor na si Galo Domingo, 33 anyos, naghiwa-hiwalay ng upuan ang mga holdaper.
Ang isa sa mga suspek ay siyang tumutok ng baril sa driver gamit ang kalibre 38 habang ang isa naman ay sa gitnang bahagi ng bus umupo na siyang tagakuha ng gamit ng mga pasahero.
Ang pangatlong suspek ay sa likod ng bus umupo at siyang tagatutok ng patalim. Kuwento pa ni Domingo sa mga imbestigador, may tattoo sa leeg ang isa sa mga suspek pero hindi malinaw ang nakalagay dito.