Boxing fans na hindi nakuntento sa laban nina Pacquiao at Mayweather noong 2015, hindi pwedeng magsampa ng kaso – US Court

Hindi maaring magsampa ng kaso ang mga boxing fan na hindi nasiyahan sa naging takbo ng laban nina Senator Manny Pacquiao at Floyd Mayweather Jr. noong 2015.

Sa desisyon ng US appeals court, hindi maaring magsulong ng class-action ang boxing fans dahil lumalabas namang tagumpay at naging maayos ang tinagurian noong “Fight of the Century”.

3-0 ang naging botohan ng mga hukom ng 9th US Circuit Court of Appeals sa reklamo ng fans at pay-per-view subscribers.

Ayon kay Circuit Judge Jacqueline Nguyen hindi maaaring gamiting dahilan ng boxing fans ang sinasabing kabiguan ni Pacquiao na ihayag na siya ay mayroong iniindang injury sa kanang balikat, ilang linggo pa bago maganap ang laban noong May 2, 2015.

Binanggit din sa desisyon na bagaman hindi nangyari sa laban ang inaasahan ng marami, ang sinasabing kondisyon sa balikat ni Pacquiao ay hindi naman naging hadlang sa kaniya para matapos niya ang full 12 rounds ng laban.

Ibig sabihin ayon sa Korte, naibigay naman sa mga nagrereklamo ang laban na kanilang binayaran.

Read more...