Isang drug den sa Tondo, Maynila sinalakay ng PDEA; 5 arestado

Sinalakay ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang drug den sa Tondo, Maynila Miyerkules ng umaga.

Ayon sa PDEA Regional office-National Capital Region (RO NCR), sa bisa ng search warrant, sinalakay ang bahay ng isa sa mga suspek na si Corazon Angeles alyas “Azon,” 57-anyos, sa Capulong Street, Barangay 9 bandang 7:45 ng umaga.

Maliban kay Angeles, naaresto rin ang apat pang suspek na sina Josefina Puno alyas “Ising”, 50-anyos; Julie Angeles, 49-anyos; Dario Monton, 43-anyos; at Regio Puno 33-anyos.

Inilabas ang search warrant ng Manila Regional Trial Court Branch 18 matapos makatanggap ng mga ulat sa umano’y pagkakasangkot ni Angeles sa ilegal na transaksyon ng droga.

Narekober sa operasyon ang ilang drug paraphernalis at 11 pakete ng hinihinalang shabu na may bigat na 15 grams. Nagkakahalaga ang nakumpiskang ilegal na droga ng P102,000.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sections 6, 7, 11, 12 ng Article 2 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Read more...