Sa press conference sa Malacañang, Martes ng gabi, sinabi ng pangulo na kabilang sa mga pinalulutang na susunod na PNP chief ay sina Lt. Gen. Camilo Cascolan at Maj. Gen. Guillermo Eleazar.
Magaling naman anya ang lahat ng kandidato sa pagka-PNP chief at walang kwestyon sa integridad ng mga ito ngunit pinaglalaanan niya ng oras ang pagpili.
“They’re all good. They are soldiers. They came from academy. I have no doubt about their integrity, but I’m taking my time appointing one,” ayon sa pangulo.
Paliwanag ni Duterte, ang pipiliing PNP chief kasi ang magtatalaga sa heads ng PNP directorates.
Kapag nagtatalaga siya sa isang pwesto ay hindi na siya nakikiaalam sa trabaho nito.
Ang PNP ay pinamumunuan ngayon ni officer-in-charge Police General Archie Gamboa matapos magretiro si Oscar Albayalde.
Sa isang press briefing nitong Martes, una nang sinabi ni PNP spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac na kailangan na ng permanent chief ng pambansang pulisya sa Enero.
“Pagpasok ng bagong taon, para sa pagsimula ng ating procurement, ay kinakailangan na magkaroon na tayo ng bagong Chief PNP. Dahil kung may anumang bagong kontrata na kailangang pirmahan, kailangan isang permanent Chief PNP ang siyang lalagda dito,” ani Banac.
Ito ay dahil kailangan ng lagda ng PNP chief sa mga dokumentong kakailanganin sa pagbili ng kagamitan ng police personnel.