Kamara, bukas sa pagbasura sa pag-aaral sa Rice Tariffication Law

Hindi isinasara ng liderato ng Kamara ang mga panawagang pag-aralan kung ang pagbasura sa Rice Tariffication Law (RTL).

Sa manifesto na pinaikot ng grupong Bantay Bigas, aabot na sa 50,000 na mga petitioner ang pumirma.

Tinanggap nina House Speaker Alan Peter Cayetano at House Majority Leader Martin Romualdez ang petisyon ng iba’t ibang grupo ng mga magsasaka na humihiling na i-repeal na ng rice liberalization law.

Ayon kay Romualdez, nararapat lamang na pakinggan ang lahat ng sektor.

Isasalang naman sa pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food ang dalawang panukalang nagpapabasura at isang panukalang nag-aamyenda sa batas sa pagluwag sa pag-iimport ng bigas.

Ayon kay Committee on Agriculture and Food Chairman Mark Enverga, sisimulan nilang talakayin sa Disyembre ang mga panukala.

Welcome naman aniya sa kanilang komite ang anumang hakbang na makakatulong para matigil na ang pagkalugi ng mga local farmers dulot ng RTL.

Bagamat ikinukunsidera pa lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang suspensyon sa importasyon ng bigas, naniniwala naman si Enverga na ang pagpapatigil sa pag-aangkat o pagtatakda ng mas mahigpit na safeguard measures ang makakatulong para maibsan ang negatibong epekto ng Rice Liberalization law sa mga magsasaka.

Read more...