Napinsala ng magnitude 5.9 na lindol ang ilang mga bahay at establisyimento sa Kadingilan, Bukidnon.
Ayon sa situational report ng Kadingilan Local Disaster Risk Reduction and Management Office (LDRRMO) alas-5:00 ngayong umaga, ipinakalat ang Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (RDANA) team sa 17 baranggay kasama ang pulisya, militar at Bureau of Fire Protection (BFP).
Sa Brgy. Sibonga, Husayan, at Pay-as nasira ang maraming bahay kung saan ang ilan ay totally damaged at ang ilan ay hindi na pwedeng tirahan pa.
Sa Brgy. Kibogtok, malaki ang pinsala sa kisame at pader ng Health Center.
Nagkaroon din ng lamat ang mga poste ng Public Terminal sa Brgy. Cabadiangan, mga pader sa San Andres National High School Annex, at Kibalagon Elementary School.
Wala namang naitalang pinsala sa iba pang mga baranggay ngunit pinapayuhan ang mga residente na manatili muna sa ‘safe and open-areas’.
Ayon sa LDRRMO, apat ang dinala sa mga pagamutan dahil sa head injury, pagkahimatay, at trauma bunsod ng labis na takot.