Kung ang United Nations (UN) ang tatanungin, usad-pagong ang ginagawang rehabilitasyon para sa mga biktima ng bagyong Yolanda.
Sa isang briefing sa Malacañang, sinabi din ni UN Representative for Disaster Risk Reduction Margareta Wahlstrom na dahil dito ay nangangamba sila sa posibilidad na abutan ng isa pang mala-Yolandang bagyo ang mga biktima na hanggang ngayon ay nakatira pa din sa mga temporary shelters.
Kaugnay nito, sinabi ni Wahlstrom, dapat makiisa sa gobyerno ang mga local government units gayundin ang komunidad sa pagsusulong ng disaster risk reduction upang malabanan ang climate change lalo’t palaging nakaharap sa ibat ibang kalamidad ang bansa tulad ng bagyong Yolanda.
Nauna dito ay ipinagmalaki ng Malacañang na nasa 95-percent na ng mga proyektong may kinalaman sa mga biktima ng bagyong Yolanda ang kanilang natapos.
Mismong si Pangulong Noynoy Aquino rin ang tumiyak na bago matapos ang kanyang termino ay nailatag na ng maayos ang lahat ng mga tulong at rehabilitation project para sa mga typhoon victims.