Ayon sa 5am severe weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 120 kilometro Silangan ng Calayan, Cagayan.
Taglay pa rin nito ang lakas ng hanging aabot sa 120 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 150 km kada oras.
Kumikilos ito pa-Kanluran Hilagang-Kanluran sa bilis na 10 kilometro kada oras.
Ayon sa PAGASA, tatama sa pagitan ng ngayong umaga hanggang hapon ang Bagyong Ramon sa Babuyan Islands at sa pagitan ng hapon hanggang gabi sa northern coast ng Cagayan.
Inaasahan namang hihina ang bagyo pagkatapos tumama sa lupa.
Nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal no. 3 sa Northern portion of Cagayan (Santa Praxedes, Claveria, Sanchez Mira, Pamplona, Abulug, Ballesteros, Aparri, Calayan, Camalaniugan, Buguey, Santa Teresita, Gonzaga at Santa Ana).
Signal no.2 sa Batanes, Apayao, Kalinga, Abra, Ilocos Norte, Ilocos Sur, at nalalabing bahagi ng Cagayan.
Nasa ilalim naman ng signal no. 1 ang northern portion ng Isabela (Sta. Maria, San Pablo, Maconacon, Cabagan, Sto. Tomas, Quezon, Delfin Albano, Tumauini, Divilacan, Quirino, Roxas, Mallig, San Manuel, Burgos, Gamu at Ilagan City), Mountain Province, Benguet, Ifugao, La Union at Pangasinan.
Katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan ang mararanasan ngayong araw sa Batanes kasama ang northern portion ng Cagayan kasama ang Babuyan Islands, Apayao at northern portion ng Ilocos Norte.
Mahina hanggang katamtaman na may malalakas ding ulan ang iiral sa northern portion ng Isabela, Kalinga, Abra at nalalabing bahagi ng Cagayan at Ilocos Sur.
Pinapayuhan ang mga residente na mag-ingat sa posibilidad ng landslides at flashfloods.
Samantala, nakataas ang gale warning at ipinagbabawal ang paglalayag sa mga baybaying dagat na nasa ilalim ng storm warning signals, seaboard ng southern Isabela at western seaboard ng Zambales at Bataan.