Kahapon, araw ng Lunes (Nov.19), nag-ikot si Trade Secretary Ramon Lopez at ibang opisyal sa mga pamilihan at nalamang nasa dalawa hanggang 11 porsyento ang itinaas ng presyo ng hamon depende sa laki.
Ayon kay Lopez, inaprubahan ng DTI ang hirit ng manufacturers na itaas ang presyo ng hamon dahil sa pagtaas ng presyo ng raw materials.
Kumpara naman noong October 2018, mas mataas na ng P10 hanggang P30 ang presyo ng 500 grams na hamon ngayong taon.
Naglalaro na sa P155 hanggang P189 ang presyo ng 500 grams na hmon mula sa P145 hanggang P169 noong 2018.
Ang 1 kilo hamon naman ay naglalaro na sa P299 hanggang P1,025 mula sa P270 hanggang P949 noong October 2018, o mas mataas ng P30 hanggang P76.
Kasabay din ng pag-iikot ng DTI kahapon, higit 160 kahon ng substandard Christmas lights ang nakumpiska sa isang tindahan sa Maynila.
Sa inspeksyon ni Lopez, hindi pa man gamit ang Christmas lights ay marupok na ang mga ito.
Natuklasang walang marka ang mga ito ng product safety standard o ng Import Commodity Clearance (ICC).
Ayon kay Lopez, kadalasang ang mga ganitong uri ng pailaw ay ang nagdudulot ng sunog.
Ikinatuwa naman ng kalihim na kumaunti na ang nahuhuling nagbebenta ng substandard Christmas lights sa Maynila.