Duterte: Hindi pagsunod ni Cayetano sa term-sharing deal magiging problema

Nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte na magkakaroon ng ‘problema’ sakaling hindi sundin ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang term-sharing deal kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.

Sa panayam ng GMA News, sinabi ng presidente na naroon siya nang magkasundo ang dalawa at sakaling hindi ito masunod ay problema na ito ni Cayetano.

“I was there when we agreed, three of us, and I announced it after. He does not want to honor it. That’s his problem,” ani Duterte.

Ireresolba anya sakaling magkaroon nga ng problema ngunit sa ngayon ay nananatili pa itong ‘hypothetical’ o palagay.

Una nang sinabi ng ilang mambabatas na ang mataas na trust at approval rating ni Cayetano mula sa September Pulse Asia survey ay maaaring mag-engganyo sa mga Kongresista na suportahan ang kanyang pananatili bilang House Speaker.

Magugunitang nag-agawan sa House Speakership sina Cayetano, Velasco at Leyte Rep. Martin Romualdez.

Pero noong July 9, inendorso ng pangulo ang term-sharing sa pagitan nina Cayetano at Velasco habang si Romualdez ang House Majority leader.

Sa panayam sa media, sinabi naman ni Cayetano na maaari naman siyang magsilbi bilang Speaker sa buong tatlong taon kung pagbibigyan ni Velasco.

Pero giit ni Cayetano, si Duterte ang may ‘final say’ sa isyu.

Read more...