Lumakas pa ang Bagyong “Ramon” at isa nang ganap na severe tropical storm, ayon sa PAGASA.
Sa press briefing ng weather bureau bandang 5:00 ng hapon, sinabi ni PAGASA weather specialist Aldczar Aurelio na huling namataan ang bagyo sa layong 125 kilometers Silangang bahagi ng Aparri, Cagayan dakong 4:00 ng hapon.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 100 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 125 kilometers per hour.
Mabagal ang pagkilos ng bagyo sa bilis na 10 kilometers per hour sa direksyong Hilaga Hilagang-Kanluran.
Dahil dito, nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal no. 2 sa mga sumusunod na lugar:
– Cagayan kabilang ang Babuyan Islands
– Apayao
– Kalinga
– Ilocos Norte
– Northern portions ng Isabela (Sta. Maria, San Pablo, Maconacon, Cabagan, Sto. Tomas, Quezon, Delfin Albano, Tumauini at Divilacan)
– Northern portions ng Ilocos Norte (Pagudpud, Burgos, Bangui, Dumalneg at Adams)
Nakataas naman sa Tropical Cyclone Wind Signal no. 1 ang:
– Batanes
– Ilocos Sur
– Abra
– Mountain Province
– Ifugao
– La Union
– Benguet
– Northern Aurora (Dilasag, Casiguran at Dinalungan)
– nalalabing bahagi ng Isabela
Makararanas ng katamtaman na may kung minsan ay malakas na buhos ng ulan sa Cagayan kabilang ang Babuyan Islands, Batanes, northern portion ng Isabela, Ilocos Norte at Apayao.
Mahina hanggang katamtaman na may kalat-kalat na malakas na ulan naman ang iiral sa nalalabing bahagi ng Ilocos Norte, nalalabing parte ng Isabela, Kalinga, Abra at Ilocos Norte.
Ani Aurelio, maaaring tumama sa kalupaan ng Northern Cagayan ang bagyo sa pagitan ng Lunes ng gabi at Martes ng umaga.
Naglabas din ang weather bureau ng gale warning sa bahagi ng Pangasinan, Aurora, Quezon kabilang ang Polillo Island, Camarines Norte at Camarines Sur.
Sinabi ng PAGASA na mapanganib pumalaot ang mga sasakyang-pandagat sa seaboards ng mga lugar na nakataas sa TCWS, western seaboard ng Northern Luzon at eastern seaboards ng Central at Southern Luzon dahil sa inaasahang matataas na alon dulot ng sama ng panahon.
Samantala, huli namang namataan ang isang low pressure area (LPA) sa 1,320 kilometers Silangang bahagi ng Visayas bandang 2:00 ng hapon.
Sa ngayon, sinabi ni Aldczar na wala pa itong direktang epekto sa bansa.
Posible naman aniyang pumasok ang LPA sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa loob ng 24 oras.