Ayon kay Cabinet secretary Karlo Alexi Nograles, ito ang dahilan kung kaya hindi pa maaring makasama sa susunod na cabinet meeting si Vice President Leni Robredo matapos tanggapin ang alok na maging co-chairman ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Karaniwang ginagawa ang cabinet meeting tuwing unang araw ng Lunes kada buwan.
Ayon kay Nograles, base sa kaniyang pagkakaalam, walang appointment paper si Robredo para bigyan ng cabinet rank ang kaniyang pagiging co-chairman ng ICAD.
Batay kasi sa memorandum, para sa mga idaraos na cabinet meetings sa Malakanyang na matagal nang inisyu, tanging mga regular na miyembro lamang ng gabinete ang palaging pinadadalo sa pagpupulong.
Maliban na lamang kung may pangangailangang ipatawag din ang iba pang opisyal ng gobyerno na hindi miyembro ng gabinete pero kailangang magprisinta ng kanilang mga trabaho sa hinahawakan nilang opisina.