Bagyong #RamonPH lumakas habang papalapit sa Northern Cagayan; Signal #2 nakataas sa ilang lalawigan

Lumakas pa ang Tropical Storm Ramon habang patuloy na kumikilos papalapit sa Northern Cagayan.

Ayon sa 5am severe weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 210 kilometro Silangan Hilagang-Silangan ng Casiguran, Aurora o 255 km Silangan ng Tuguegarao City, Cagayan.

Taglay na nito ngayon ang lakas ng hanging aabot sa 85 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 105 kilometro bawat oras.

Kumikilos ito pa-Hilagang-Kanluran sa bilis na 10 kilometro bawat oras.

Tatama ang Bagyong Ramon sa Northern Cagayan sa pagitan ng mamayang gabi o bukas ng madaling-araw.

Nakataas ngayon ang Tropical Cyclone Warning Signal (TCWS) no. 2 sa Cagayan kasama ang Babuyan Islands, northern portion ng Isabela (partikular sa Sta. Maria, San Pablo, Maconacon, Cabagan, Sto. Tomas, Quezon, Delfino Albano, Tumauini at Divilacan), Apayao at Kalinga.

Signal no. 1 naman ang nakataas sa Batanes, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Abra, Mountain Province, Ifugao, Northern Aurora (partikular sa Dilasag, Casiguran at Dinalungan), at nalalabing bahagi ng Isabela.

Ngayong umaga hanggang hapon inaasahan ang mahina hanggang katamtaman na paminsan-minsan ay malakas na pag-ulan sa eastern portions ng mainland Cagayan at Isabela.

Mahina hanggang katatamtaman na may posibilidad din ng malakas na ulan ang mararanasan sa nalalabing bahagi ng mainland Cagayan, Isabela, Babuyan Islands, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Abra at Ilocos Norte.

Mamayang gabi, katamtaman hanggang sa madalas na malalakas na pag-ulan na ang posibleng maranasan sa Cagayan kasama ang Babuyan Islands at Apayao.

Mahina hanggang katamtaman na may posibilidad ng malakas na ulan ang iiral sa Batanes, Isabela, Kalinga, Abra at ilocos Norte.

Pinag-iingat ang mga residente sa posibilidad ng mga pagbaha at pagguho ng lupa.

Nakataas ang gale warning at ipinagbabawal ngayon ang paglalayag sa mga baybaying dagat ng La Union, Pangasinan, Aurora, Quezon kasama ang Polillo Islands, Camarines Norte at eastern coast ng Camarines Sur at mga lugar na nasa storm warning signals.

Read more...