Hinimok ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang Regent Foods Corporation na bawiin ang kasong isinampa laban sa 23 manggagawa na ikinulong dahil lamang sa labor protest noong November 9.
Sa isang Facebook post araw ng Linggo, iginiit ng alkalde na hindi kriminal ang mga manggagawa at walang intensyon ang mga ito na saktan ang management ng kumpanya.
Ani Sotto, ipinaglalaban lamang ng 23 manggagawa ang kanilang mga karapatan.
Maaari rin naman anyang ipagpatuloy ang labor dispute nang hindi ikinukulong ang mga manggagawa.
Binatikos ni Sotto ang umano’y pag-abuso ng Regent Foods Corporation sa pribilehiyo para tapakan ang karapatan ng mga empleyado nito.
Sa kabuuang 23, 11 ang nakakulong pa rin habang 12 ang pansamantalang nakalaya matapos magpiyansa.
Pangako ni Sotto, gagawin niya ang lahat para masigurong lahat ng manggagawang ikinulong ay makakalaya ngayong Lunes, November 18.
Babala pa ni Sotto sa kumpanya, pag-isipan ang kanilang posisyon kung nais ang magandang ugnayan sa lokal na pamahalaan ng Pasig.
Dahil sa pahayag ng alkalde, umugong ang panawagan ng netizens na i-boycott ang Regent Foods products.
Wala pang inilalabas na komento ang kumpanya hanggang sa ngayon.