Ito ang naging bwelta ng Palasyo ng Malakanyang sa puna ni U.S. Senator Bernie Sanders na shameful attempt o kahiya-hiya ang ginagawa ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na pinatatahimik ang mga human rights activist sa bansa.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo na kahiya-hiya ang ginawa ni Sanders dahil nagbahagi ito ng impormasyon sa publiko na hindi naman beripikado.
Sinabi pa ni Panelo na ang mga pahayag ni Sanders ay ibinase lamang sa mga pahayag ng mga kritiko ni Pangulong Duterte at inilako sa foreign news agencies na inilathala naman.
Ipinagtanggol din ni Panelo ang sunud-sunod na raid na ginagawa ng Philippine National Police (PNP) sa bahay at opisina ng mga makakaliwang grupo sa Metro Manila.
Ayon kay Panelo, ibig-sabihin lamang ng raid ay may intelligence report ang PNP na may hindi tamang ginagawa ang mga organisasyon kung kaya sinasalakay ang kanilang mga tanggapan.
Kapag naman aniya nakitaan ng makakaliwang grupo na may mali ang PNP, maari naman silang dumulog sa korte at maaring maghain ng kaso.
“Kapag merong raid ang PNP ibig-sabihin meron silang intelligence report na hindi gumagawa nang tama ang mga organisasyon na ‘yan na hindi tama at labag sa batas. Kung mali naman ang raid, they can always go to court and sue them,” pahayag ni Panelo.