Kinumpirma ng Department of Health (DOH) ang kauna-unahang pagkakasakit na iniuugnay sa paggamit ng e-cigarette sa bansa.
Sinabi ni Health Usec. Eric Domingo natanggap na nila ang ulat ukol sa unang electronic cigarette or vaping-associated injury o EVALI sa Central Visayas.
Ngunit wala ng naibigay na karagdagan pang detalye ang opisyal.
Payo na lang ni Domingo sa mga nagbe-vape na sumangguni sa mga doktor para sa pinakamabuting paraan para matalikuran ang bisyo at dapat din umiwas sa usok na ibinubuga ng mga gumagamit ng e-cigarette.
Aniya malaki ang posibilidad na magkaroon ng EVALI ang mga gumagamit ng sinasabing alternatibo sa sigarilyo, na ang kasalukuyang bilang sa bansa ay tinatayang nasa isang milyon.
Pabor ang DOH para sa pagbabawal sa paggamit ng vape sa bansa dahil walang patunay na maganda itong alternatibo sa sigarilyo at sa paniniwalang maaari itong magdulot ng mga sakit sa baga.