Ayon kay Mangudadatu, inirerespeto nila ang isang buwang extension na hiningi ni Quezon City Regional Trial Court Judge Jocelyn Solis Reyes.
Batid naman daw niya na makapal ang record ng kaso na kailangang aralin.
Pero inaasahan daw nila na tuloy na ang promulgation bago sumapit ang December 20.
Naniniwala rin si Mangudadatu na sa dami ng kanilang mga ebidensya at iprinisintang testigo, magiging paborable sa mga biktima ang desisyon.
Pero sakali raw na hindi mauwi sa conviction ang desisyon, magbibitiw daw siya bilang mambabatas.
Sa November 23 na ika-sampung anibersaryo ng Maguindanao Massacre, magtutungo raw uli si Mangudadatu sa pinangyarihan ng masaker para magdasal at patuloy na manawagan ng hustisya.
Bagamat naka-move on na raw siya at nakapagpatawad na, umaasa pa rin ang dating gobernador na mabibigyan sila ng hustisya.
Hindi na rin daw dapat pang maulit ang insidente na itinuturing na isa sa pinakamadugong insidente ng political violence sa bansa.
Matatandaan na 58, kabilang ang higit 30 mamamahayag, ang napatay sa karumal-dumal na krimen na nangyari noong November 23, 2009.
Nasa halos 200 naman ang mga akusado kabilang na ang ilan sa mga myembro ng pamilya Ampatuan.