Sa isinumiteng datos ng BFP sa Energy Regulatory Commission (ERC), nakasaad na sa 2,887 na sunog sa Iloilo City simula 2014, nasa 1,464 dito ay mula sa mga poste ng PECO.
Pinakahuling insidente na naitala ng BFP ay noong Oktubre 19 hanggang 21 na una nang inireklamo sa ahensya at kasalukuyan ng iniimbestigahan.
Sa report sa ERC, sinabi ni Iloilo City Fire Marshall Chief Inspector Christophe Regencia na bulto ng kanilang resources para sa sunog ay napupunta sa PECO dahil sa mga aberya.
Ayon pa sa BFP, hindi nasolusyunan ang problema sa pagkasunog ng mga poste ng PECO sa nakalipas na 5 taon dahil na rin sa kawalan ng kumpanya ng mga trained na technical personnel na agad na makapagsasagawa ng trouble shoot sakaling may aberya sa mga poste.
Lumilitaw umano na ang tanging nangangasiwa ay mga tauhan na ang ginagawa ay monitoring at nagdodukumento ng mga kaso.
Sinabi namam ng PECO na kailangan na magkaroon muna ng final technical assessment para matukoy kung sila talaga ang pinagmumulan ng sunog sa mga electric poles gayung may iba pang mga kable ang nakadikit sa mga poste gaya ng sa telecommunications at cable TV companies.
Gayunpaman kinontra ito ni Regencia sa pagsasabing mas matitibay ang mga kable ng telecoms at cable TV na nasa 24 volt charge kumpara sa 220 voltage charge na gamit ng PECO.
Sinabi ng BFP na sa kanilang imbestigasyon ay lumilitaw na “Short Circuit Secondary Service Lines” o exposed electricity wires ang pinagmulan ng sunog gayundin ang pagkakaroon ng mga jumper.
Ang magkakasunud na sunog sa mga poste noong nakaraang buwan ang dahilan kung bakit naghain ng reklamo ang lokal na pamahalaan ng Iloilo City laban sa PECO sa Malacanang at ERC.