Baby na tinangay ng yaya sa Taguig, naibalik na sa mga magulang

Naibalik na sa kanyang mga magulang ang sanggol na kinuha ng kanyang yaya sa Taguig City.

Isinauli ng yayang si Kristine Joy Salik si Baby Taylor sa mga magulang nito sa pamamagitan ng programa sa Radyo Singko ng News5 na “Wanted sa Radyo.”

Todo hingi ng paumanhin ang suspect sa kanyang ginawa pero katwiran nito, uuwi na sana sila ng sanggol pero natakot ito matapos kumalat ang balita tungkol sa pagtangay niya sa bata.

Sinabi pa ni Salik na pinayagan naman siya ng lolo ni Baby Taylor na ipasyal ito sa mall pero itinanggi ito ng kaanak ng biktima.

Dahil dito ay sasampahan ng kaso ang yaya kahit nag-sorry na ito sa ina ng sanggol na si Princess Jean Perrin.

Nabatid na wala pang isang linggo bilang yaya si Salik nang nagising na lamang ang mga magulang nito na wala na ang kanilang anak.

Nag-viral sa social media ang CCTV footage kung saan makikitang dala ng suspect si Baby Taylor.

 

Read more...