Dahil sa landslides at pagbaha dulot ng Tyhphoon Ramon, inilikas ang mahigit 2,000 katao sa mga probinsya ng Camarines Sur at Albay sa Bicol.
Ayon sa Office of Civil Defense (OCD) Bicol, ang mga inilikas ay mga nakatira sa mga mababa at bulubunduking lugar.
Nananatili ngayon sa mga evacuation areas ang mga inilikas na mga inidibidwal.
Sa report ng OCD, nagkaroon ng pagguho ng lupa sa mga barangay ng Sta. Rosa del Norte sa bayan ng Pasacao at Mananao sa bayan ng Tinambac sa Camarines Sur.
Binaha naman ang 19 barangay sa mga bayan ng Caramoan, Garchitorena, Pasacao, Del Gallego, Canaman, Calabanga, Tinambac, Lagonoy, Magarao at Sipocot sa Camarines Sur gayundin sa Tiwi, Albay.
Ayon kay OCD regional director Caludio Yucot, hanggang tuhod ang baha sa naturang mga lugar habang ang lebel ng tubig sa ilog ay tumaas ng 1.5 metro.
Samantala, nawalan ng supply ng kuryente sa mga bayan ng Del Gallego, Lupi, Caramoan at Presentacion, lahat sa CamSur.
Kinansela ang biyahe ng tatlong flights sa Legazpi City Airport.
Hindi rin pinabiyahe ang 2,577 pasahero at 757 na mga truck, bus at kotse sa mga pantalan sa Sorsogon, Albay at Camarines Sur.