Sinabi ni Court Administrator Midas Marquez na hiningan na nila ng paliwanag sa insidente si Cabanatuan City Judge Nelson Lago dahil sa insidenteng kinasangkutan nito sa Baguio City.
Napag-alaman na noong nakalipas na buwan ay inisyuhan ng traffic violation ticket si Lago dahil ipinarada niya sa isang bawal na lugar ang kanyang sasakyan.
Inalis rin umano ng mga traffic enforcers ang kanyang plate number at nanindigan ang hukom na iyun ay iligal.
Bilang isang hukom ay labis umano siyang maaabala sa kanyang trabaho kapag kinuha niya ang nasabing plaka sa Baguio City.
Dahil dito ay naglabas siya ng utos at ipinatawag niya sa kanyang sala ang naturang mga traffic enforcers.
Sinabi ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na hindi na dapat ginamit ng hukom ang kanyang posisyon para gipitin ang mga traffic enforcers na kanyang inirereklamo.
Pwede umanong magsampa ng reklamo ang nasabing hukom.
Magkagayunman ay pinayuhan ni Magalong ang kanyang mag tauhan na pumunta sa sala ni Judge Lago sa Cabanatuan City.