Naglagak ng piyansang P60,000 ang kolumnistang si Ramon Tulfo para sa kasong libel at cyber libel na isinampa laban sa kanya ni Executive Secretary Salvador Medialdea.
Nabatid na sa order ni Manila RTC Judge Renato Enciso ng Branch 12 na may petsang Nov. 8, nagpiyansa si Tulfo para hindi makulong.
Ipinabawi na rin ng hukuman ang inilabas na warrant of arrest laban kay Tulfo, na nagsisilbi din special envoy to China sa ilalim ng administrasyong-Duterte.
Itinakda naman ang arraignment sa mga kaso sa darating na Nobyembre 26.
Nag ugat ang mga kaso sa mga sinasabing paninira ni Tulfo kay Medialdea sa column nito sa
Manila Times.
Ang pinakahuli ay ang alegasyon ni Tulfo na naglabas ng memorandum si Medialdea para sa lahat ng mga ahensiya ng gobyerno at nag aatas ng pagbibigay suporta sa Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee Foundation.
Bukod pa dito, inakusahan din si Medialdea ng paghingi ng P72 million mula sa higit P200 milyon reward money ng isang Felicito Mejorada.
Itinanggi ni Medialdea ang lahat ng mga isinulat ni Tulfo at kinasuhan niya ito.
Bukod kay Medialdea, sinampahan din ng mga katulad na kaso si Tulfo nina BIR Comm. Caesar Dulay at dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre bunsod din ng mga mapanirang column.