Smartmatic pa rin ang nagwagi

11650463_10205864354823192_17515047_n
inquirer.net file photo

Nagdeklara ng failure of bidding ang Commission on Elections (Comelec) para sa pagkukumpuni ng 81,000 precinct count optical scan (PCOS) machines.

Dahil dito, wala nang gagawing pagkukumpuni sa mga PCOS machines na gagamitin sa 2016 elections.

Wala kasing tinanggap na kontrata ang Comelec para sa mga lumahok sa bidding.

Tatlong kuampanya ang bumili ng bid requirement para sana sa P2.8 Billion na kontrata kabilang dito ang Indra Sistemas, Vertex at ang technology provider na Smartmatic.

Gayunman, sa kabila nang pagpapakita ng interest na sumali sa bidding process, biglang nagsumite ng Letter of Withdrawal ang Smartmatic at Vertex habang hindi naman sumipot ang Indra sistemas.

Samantala, ilang oras matapos maideklara ang failure of bidding para sa pagkukumpuni ng PCOS machines, binaligtad naman ng Comelec En Banc ang disqualification na ipinataw ng Bids and Awards Committee laban sa Smartmatic-TIM.

Sa botong 4-2-1, pinagbigyan ng Comelec En Banc ang apela ng Smartmatic-TIM na kumukuwestiyon sa ginawang pagbasura ng BAC sa kanilang motion for reconsideration.

Sa resolusyon na may petsang June 29, 2015, idineklara ng mayorya sa Comelec En Banc na ang Smartmatic-TIM ang may pinakamababang calculated responsive bid para pagbili ng 23,000 optical machine readers (OMR).

Kinatigan ng En Banc ang naging findings ng technical evaluation committee na kaya ng makina ng Smartmatic-TIM na sabay na makapag-save ng election data sa dalawang storage devices.

Ibig sabihin, nakapasa umano ang Smartmatic-TIM sa technical requirement na itinakda ng poll body para sa 23 libong mga uupahang makina.

Kasabay nito, iniutos ng Comelec En Banc ang pagkansela sa nakatakdang pagbubukas ng financial document para sa ikalawang bidding na itinakda ng BAC para sa nasabing proyekto.

Dahil dito, dapat din umanong isauli ang ibinayad ng mga bidder na bumili ng bidding document para sa ikalawang round ng bidding.

Matatandaan na nang pagpasyahan ng Comelec-BAC ang bidding proposal ng Smartmatic-TIM, bukod sa technical requirement, nabigo rin umano ang bidder na makapagsumite ng valid articles of incorporation.

Pero sa motion for reconsideration ng Smartmatic-TIM, binaligtad ng BAC ang nauna nitong desisyon sa aspeto ng articles of incorporation at idineklara na sapat at kumpleto na ang mga dokumentong isinumite ng Smartmatic-TIM.

Dahil dito, ang tanging dinesisyunan na lamang ng Comelec En Banc ay ang aspeto ng techinical requirement ng makima ng Smartmatic-TIM./ Ricky Brozas

Read more...