(updated) Lantarang pagsuway sa kautusan ng Ombudsman ang nagaganap ngayon sa Makati City Hall. Ito ang inihayag ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales.
Tinawag din ni Morales na “mob rule” ang namamayani ngayon sa Makati kung saan ang mga supporters ni Makati Mayor Junjun Binay ay humarang sa pagsisilbi kahapon ng suspension order sa Alkalde.
Sinabi ni Morales na hindi niya papayagan ang pagsuway sa constitutional process na nagaganap ngayon sa Makati.
“It will never succumb to any perceived pressure or be blinded or deafened by political grandstanding. It will not tolerate open defiance of constitutional processes or calls for mob rule. This is about the right of the Filipino people to hold their public servants to the highest bar of accountability and to bring them before the bar of justice if they are accused of betraying the public trust,” ayon kay Morales.
Kahapon ay nagkasakitan sa pagitan ng mga pulis at mga supporters nang dumating sa Makati City Hall si Department of Interior and Local Government (DILG) – NCR Director Ma. Lourdes Agustin para ipaskil ang 12-pahinang suspension order kay Binay.
Nakuhanan pa ng video ang mga taga-suporta ng mga Binay na binabato ng monobloc chairs ang mga pulis na prinotektahan naman ang kanilang sarili gamit ang mga bitbit nilang truncheons.
Kaugnay nito ay desidido ang pamunuan ng Southern Police District (SPD) na kasuhan si Vice President Jejomar Binay dahil sa pananakit at pagsasalita umano ng masama sa mga alagad ng batas na nagbabantay sa Makati City Hall.
Sa panayam ng Radyo Inquirer sinabi ni Southern Police District Deputy Chief for Administration Senior Superintendent Elmer Jamias na sasampahan nila ng mga kasong physical injury, direct assault on a person of authority, oral defamation at grave threat ang pangalawang pangulo.
Ayon kay Jamias, nais ni VP Binay na umalis na ang mga pulis sa City Hall.
Gayunman kinompronta umano sila ni Binay at kinwelyuhan pa ang isa sa mga alagad ng batas.
“Kagabi po ay hindi ako nag-expect na dadating si VP Binay at ako ay kukumprontahin niya at lalait-laitin bilang alagad ng batas. Sabi ko sa kaniya kayo po ay inaasahan namin na kayo ay magpapasalamat sa amin dahil sa pagpapanatili ng katahimikan sa nasasakupan namin dito sa Makati, pero kabaligtaran ang tinanggap ko, puro panlalait ang aking tinanggap sa kaniya,” dagdag pa ni Jamias. / Dona Dominguez-Cargullo / Jay Dones